Daig Ang Malansang Isda

took this shot at NAIA terminal on my way to Hong Kong

Minsan dumarating sa buhay ng isang tao na kinahihiya na nya ang kanyang tinubuang lupa dahil sa mga hindi kanais-nais na pangyayari at pati na rin sa kalunos-lunos na kalagayan na nararanasan ng kanyang kinagisnang bayan.

Hindi ko kinahihiyang ako'y isang Pilipino subalit sa puntong ito ay aking kinahihiya na ako'y nabubuhay sa isang nayon na kahit kailangan ay hindi ko man lang naramdaman na umuunlad. Simula nong ako'y lumisan sa aking bayan at pumalaot sa ibang kabihasnan, masakit mang sabihin ngunit mahirap ipagkumpara ang aking nayon sa nayong aking tinutuntungan ngayon dahil sa laki ng pagkaka-iba.

Nabalitaan ko mula dito na may kaguluhang nanaman na nagaganap sa aking nayon at tulad nanaman ng dati-- pulitika. Pilit nanamang pinapapaba sa puesto ang kasalukuyang punong namumuno dahil lamang sa kapirasong audio tape... shutangnamek! Wala na bang ibang magawa ang mga "pilipino" kung hindi manira ng kapwa. Kung ako ang tatanungin mas masahol pa ang aking tinubuang lupa kaysa sa Iraq. Kung ang Iraq ang kalaban ay ang ibang bansa; ang "pilipinas", kapwa "pilipino" ang magkakalaban!

Minsan aking napagtanto na napakapalad ng bansang aking tinutuntungan ngayon. Hindi man sila isang malaking bansa, pero sila'y nagkakaisa sa pagtataguyod ng kanilang kaunlaran.

Marahil sa pagbasa ng aking literatura ako'y kisinusuklaman na ninyo subalit nais ko lamang iparating sa aking nayong kinagisnan ang aking opinyon (at hindi hinanakit) tungkol sa lumalalang kalagayan ng aking bansa. Masakit mang pakinggan, pero gusto ko lang iparating na nagiging "basura" na ang tingin ko aking nayon.

Ngayong araw ng kalayaan, hindi ko alam kung dapat ko ba itong ipagdiriwang kahit na nakikita ko at alam kong hindi pa tayo lubusang malaya.

"ako ay Pilipino, ang dugo'y maharlika... ako ay Pilipino isang bansa't 'sang diwa ang minimithi ko, sa bayan ko't bandila laan buhay ko't diwa" -- sa ngayon hindi ko alam kung karapat-dapat bang ilaan ang aking buhay at diwa kung alam ko na walang saysay kung ilalaan. At ngayon nahihirapang akong bigkasin ang mga katagang "proud to be pinoy!". Nawa'y dumating ang araw na maaaring ko nang ilaan ang buong buhay ko't diwa sa aking tinubunang lupa at maipagmalaki sa ibang nayon na ako'y isang Pilipino. yun lang

"lupang hinirang duyan ka nang magiting, sa manlulupig 'di ka pasisiliil..."



0 Comments:

Post a Comment

<< Home